Patuloy ang ginagawang monitoring ng mga awtoridad laban sa bentahan at suplay ng iligal na sigarilyo sa iba’t ibang bahagi ng Santiago City
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. Stephen Carandang, Operation Officer ng Police Station 4, sinabi nitong nakatutok ang kanilang mga intelligence operative sa pagtukoy sa mga tindahang posibleng nagbebenta o nagsusuplay ng iligal na sigarilyo.
Aniya, bukod sa operasyon kontra iligal na droga, kabilang na rin sa kanilang prayoridad ang pagsugpo sa paglaganap ng mga kontrabandong sigarilyo.
Batay sa kanilang monitoring, may mangilan-ngilang tindahan na natukoy na umano’y sangkot sa ganitong aktibidad. Gayunman, karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa mga liblib na lugar ng lungsod.
Nilinaw naman ni Carandang na sa nasasakupan ng poblacion ay wala pa silang namomonitor na tindahang nagbebenta ng iligal na sigarilyo sa kasalukuyan.
Patuloy naman ang isinasagawang surveillance at validation operations ng pulisya upang matiyak na mapipigilan ang pagkalat ng mga iligal na produkto sa lungsod.
Home Police Report
Iligal na bentahan ng sigarilyo sa Santiago City, binabantayan ng PNP
--Ads--










