Umaasa ang mga naghain ng impeachment complaint laban kay Sara Duterte na magiging mas mabilis ang isasagawang proceedings matapos na i-withdraw ang complaint na inihain ng civil society group na Tindig Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Former Representative France Castro, isa sa mga nag-file ng impeachment complaint laban sa bise presidente, sinabi niya na hindi isinama ang ikalawang impeachment complaint upang mapabilis ang proseso at maiwasan ang komplikasyon sa pagsusuri ng Kongreso.
Aniya, halos magkakapareho lamang ang nilalaman ng mga complaint, kaya minabuti nilang iurong ang isa upang mas mabigyang-pansin at mas maayos na maiproseso ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaint.
Dagdag pa niya, isinasaalang-alang din nila ang mga nakalipas na desisyon ng Supreme Court of the Philippines.
Sa kabila ng mga kalituhan at pag-urong sa naunang complaint, tiniyak niya na susuportahan na lamang nila ang mga nahuling complaint at babantayan ang magiging desisyon sa dalawang kapulungan ng kongreso at ng korte suprema.
Umaasa naman si Castro na walang mambabatas na matatakot o maiintimidate sa magiging hakbang ng kampo ni VP Sara sa pagharap sa impeachment complaint laban sa kanya.











