Isinasaalang-alang ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga influencer na nag-eendorso ng ilegal na online gambling.
Ayon kay PNP-ACG Director PBGen. Wilson Asueta, maaaring managot sa batas ang mga influencer na nag-aadvertise o nagpo-promote ng mga ipinagbabawal na online gambling sites.
Nanawagan din siya sa publiko na maging responsable sa paggamit ng internet at tiniyak na magsasagawa ang ahensya ng kaukulang hakbang laban sa mga sangkot sa pagpapalaganap ng mga ilegal na aktibidad online.
Ang pahayag ay kaugnay ng inilabas na listahan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) hinggil sa Top 10 influencers na umano’y nag-eendorso ng ilegal na online gambling sa bansa. Ayon pa sa ulat, iniendorso na rin ang listahan sa Meta upang agad na maipatanggal ang mga pahina na naglalaman ng ilegal na content.











