Tinanggal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang isang subdomain ng kanilang website matapos itong ma-deface ng hindi pa nakikilalang mga hacker na naglagay ng mensaheng may panlalait sa ilang opisyal ng pamahalaan at puna sa digital infrastructure ng bansa.
Ang naapektuhang subdomain ay ang takedowns.cicc.gov.ph, na pinangangasiwaan ng CICC, isang attached agency ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ginagamit ang nasabing subdomain para sa koordinasyon ng pagre-report at pagpapatanggal ng malisyosong online content tulad ng phishing pages, scam platforms, at iba pang cybercrime assets.
Nagpakita ang na-deface na page ng itim na background at mahabang mensahe na naglalaman ng mga bastos na salita, na may pirma ng alyas na BlueFarow.
Ayon kay CICC Executive Director Usec. Aboy Paraiso, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon kaugnay ng insidente. Agad umano nilang natukoy ang hindi awtorisadong pagbabago sa publicly accessible na subdomain at kaagad itong in-offline habang isinasagawa ang masusing security checks at mga kinakailangang remedial measure.
Tiniyak din niya na prayoridad ng ahensya ang pagpapanatili ng integridad ng digital infrastructure ng pamahalaan at nagpapatupad na sila ng karagdagang hakbang upang mapalakas ang cybersecurity posture.
Batay sa paunang pagsusuri, wala umanong indikasyon na nakompromiso ang mga sistema ng CICC, investigative databases, o iba pang sensitibong network ng gobyerno.











