Tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng iba’t ibang nutrition intervention programs ng City Health Office (CHO) upang matugunan ang mga naitatalang kaso ng malnutrisyon sa mga bata sa Lungsod ng Santiago.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Nutrition Officer Lilibeth Cabanlong ng CHO Santiago, sinabi nito na bagama’t may naitatala pa ring ilang kaso ng malnutrisyon noong nakaraang taon, agad naman itong natutugunan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng Pamahalaang Lungsod.
Kabilang sa mga kasalukuyang ipinatutupad na hakbang ang Tutok Kay Nanay dietary supplementation at ang feeding programs para sa mga batang nangangailangan ng karagdagang nutrisyon.
Dagdag pa niya, katuwang ng CHO ang Barangay Nutrition Committee sa pagtutok sa mga batang may kakulangan sa nutrisyon upang matiyak na nabibigyan ang mga ito ng sapat na pagkain at suporta.
Isa rin sa mga programang ipinatutupad ng lungsod ang Nutri-Garden sa bawat purok at barangay, kung saan kumukuha ng mga gulay na isinasama sa mga Nutri-Pak na ipinapamahagi sa mga benepisyaryo.
Ayon pa kay Cabanlong, layunin ng programa na hindi lamang magbigay ng pagkain kundi hikayatin din ang mga pamilya na magtanim ng sarili nilang gulay upang magkaroon ng tuloy-tuloy na suplay ng masustansyang pagkain.
Sinabi niya na nakatutulong din ang patuloy na health promotion at nutrition education sa mga bata upang maging mas mulat ang mga ito sa kahalagahan ng wastong nutrisyon at pagpapanatili ng malusog na pangangatawan.










