Lumabas ang iba’t ibang reaksyon ng mga tricycle driver sa Santiago City na namamasada kaugnay sa muling paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo na nakaapekto sa kanilang araw-araw na kita.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ilang tsuper, sinabi ng isang tricycle driver na malaki ang nababawas sa kanilang kinikita dahil malaking bahagi nito ang napupunta sa pagpapagasolina.
Ayon pa sa kanya, kung dati ay may naiuuwi pa silang sapat para sa pangangailangan ng kanilang pamilya, ngayon ay mas maliit na lamang ang natitirang kita matapos ibawas ang gastos sa krudo.
Samantala, ibinahagi naman ng isa pang driver na napipilitan na silang magtagal sa pamamasada upang mabawi ang nadagdag na gastos sa gasolina.
Sinabi rin niya na kung dati ay hanggang hapon lamang sila bumibiyahe, ngayon ay inaabot na sila ng gabi sa kalsada upang makadagdag sa kanilang kita.
May ilan namang tsuper na nagpahayag ng pag-asa na mabigyan ng konsiderasyon ang sektor ng transportasyon sakaling patuloy pang tumaas ang presyo ng petrolyo.
Ayon sa kanila, mahalagang mapag-aralan din ang pamasahe dahil nahihirapan na umano silang bumawi sa gastos habang nananatiling pareho ang singil sa mga pasahero.
Sa kabila nito, sinabi ng ilang tricycle driver na patuloy pa rin silang mamamasada upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa araw-araw.
--Ads--











