Tinaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagdulot ng pagtaas ng stock at produksyon ng galunggong ang taunang closed fishing season. Ayon sa ahensya, umabot sa 3,363.75 metric tons ang galunggong sa ikatlong quarter ng 2024, isang 55.1 porsyentong pagtaas kumpara sa nakaraang period.
Ani BFAR, nanguna ang galunggong sa komersyal na produksyon sa Mimaropa, na kumakatawan sa 27.1 porsyento ng kabuuang huli. Tumaas din ang average na haba ng isda mula 16.8 cm noong 2015 tungo sa 17.6 cm noong 2024, na nagpapakita ng mas malusog at mature na populasyon.
Ayon kay BFAR National Director Elizer Salilig, pinapayagan ng fishing cycle ang galunggong na umunlad sa Palawan at tinitiyak ang balanse sa ekolohiya at ekonomiya. Pinuri rin niya ang mga mangingisda sa kanilang pagsunod sa closed season, na ipinatutupad na higit sa isang dekada.
Ang closed season para sa komersyal na pangingisda ng galunggong sa Northern Palawan ay mula Nobyembre 1 hanggang Enero 31, at binubuksan mula Pebrero 1 hanggang Oktubre 31. Saklaw ng fishing cycle ang tubig ng West Philippine Sea at Northern Sulu Sea upang maprotektahan ang species sa peak spawning period.







