Dinagsa ng daan-daang residente ang bentahan ng bente pesos per kilo na bigas sa Lungsod ng Santiago.
Maaga pa lamang ay mahaba na ang pila ng mga nagnanais makabili ng murang bigas kabilang ang ilang mga senior citizen na personal na nagtungo sa lugar upang makapila.
Dahil sa dami ng tao at siksikan ng pila ay ilang nakatatandang residente ang nakaramdam ng pagkahilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marina Mabini, sinabi niya na marami sa kanila ang pumila ng maaaga upang matiyak na makabili ng bente pesos na bigas na malaking tulong umano para sa kanilang pang araw-araw na gastusin.
Hindi naman lahat ng nakapila ay nakabili ng bigas matapos ipatupad ng mga tagapangasiwa ang sistema ng paglilista ng pangalan upang mapanatili ang kaayusan sa distribusyon.
Alinsunod sa naturang sistema ay isang ID lamang ang tinatanggap para sa bawat residente upang mailista ang kanilang pangalan bilang benepisyaryo ng programa.
Samantala, tiniyak naman ng organizer ng programa ang patuloy nilang pag-aayos sa sistema upang mas maging mabilis at maayos ang pagbebenta ng murang bigas.
Anila, ipinatupad ang ang paglilista ng mga benepisyaryo upang matiyak na mabibigyan ng pagkakataon ang mas maraming residente na makabili ng murang bigas at maiwasang madoble ang pagbenta sa kanila.
Pinayuhan din nila ang publiko na sumunod sa schedule at sistema ng pamamahagi upang maiwasan ang siksikan sa pila at matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Samantala, umaasa naman ang mga residente na mas magiging maayos at organisado ang mga susunod na araw ng bentahan.











