Nakapagtala ang Land Transportation Office (LTO) Santiago ng kabuuang 1,237 traffic violators sa isinagawang operasyon nitong Pebrero.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng LTO Santiago, sinabi nito na sa nasabing bilang ay 494 pa lamang ang nakapag-settle ng kanilang mga paglabag, habang ang iba ay hindi pa nababayaran ang kaukulang multa.
Ayon kay Buendia, posibleng isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa nakakapagsettle ang ilan ay ang hirap ng mga ito na agad makapaglabas ng pera para sa kanilang multa.
Kabilang sa mga karaniwang paglabag na naitala ng tanggapan ang invalid o expired registration, pagmamaneho nang walang lisensya, hindi pagsusuot ng helmet, hindi paggamit ng seatbelt, defective lights at accessories, pagmamaneho habang naka-tsinelas, defective brake lights, unauthorized modification ng sasakyan, colorum na operasyon, at failure to carry OR/CR.
Ipinaliwanag ni Buendia na may kaukulang multa ang bawat paglabag at Ayon sa kanya, ₱12,000 ang multa para sa unregistered vehicle, habang ₱3,000 naman para sa pagmamaneho nang walang lisensya o may invalid na lisensya tulad ng delinquent o inappropriate license, pati na ang paggamit ng student driver’s permit nang walang kasamang lisensyadong driver.
Samantala, ₱1,500 ang multa sa unang paglabag sa helmet law, ₱1,000 para sa seatbelt violation, ₱5,000 para sa defective accessories, at ₱1,000 naman para sa pagmamaneho habang naka-tsinelas.
Para naman sa colorum na operasyon, sinabi ng opisyal na maaaring umabot sa ₱200,000 ang multa para sa mga van, habang ₱1,000 naman ang penalty sa failure to carry OR/CR.
Nagbabala rin si Buendia na awtomatikong masususpinde ang lisensya ng driver kung hindi mababayaran o maaayos ang paglabag matapos ang 15 working days mula nang ito ay maitala, dahilan upang hindi muna sila makapagmaneho hanggang sa ma-settle ang kanilang violation.
Sa kasalukuyan, sinabi ng opisyal na isang enforcement team na binubuo ng limang tauhan ang nakatalaga upang magsagawa ng operasyon at pagpapatupad ng mga batas-trapiko sa lungsod.











