Naghahanda ang Malacañang na sertipikahang urgent ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang mag-suspende o magbawas ng excise tax sa langis.
Sa press briefing sa New York, sinabi ni Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, na nagtutulungan na ang Office of the President, Office of the Executive Secretary, Department of Energy (DOE), at Department of Finance (DOF) upang agad itong maipatupad sakaling maipasa ng Senado at Kamara ang panukala.
Hinihintay pa ng Palasyo ang committee report mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Kapag naisumite na ito, rerepasuhin muna ng Pangulo kung naaayon ang panukala sa hinihinging special powers bago ito sertipikahang urgent.
Kaugnay nito, pinayuhan ng Malacañang ang publiko na huwag mag-panic buying sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East, dahil may sapat na supply ng langis at mga pangunahing bilihin sa bansa.








