Nagsagawa ang City Veterinary Office ng Simultaneous Anti-Rabies Vaccination Drive para sa mga alagang hayop sa lungsod bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa rabies at upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at mga alagang hayop.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Myra Grace Pascual, Officer-in-Charge ng City Veterinary Office, sinabi niya na layunin ng aktibidad na mapataas ang bilang ng mga nababakunahang aso at pusa upang maiwasan ang pagkalat ng rabies sa komunidad.
Ipinaliwanag niya na mahalagang mabakunahan ang mga alagang hayop dahil ang rabies ay isang nakamamatay na sakit na maaaring maipasa sa tao sa pamamagitan ng kagat o kalmot ng infected na hayop.
Idinagdag ni Dr. Pascual na bahagi ang vaccination drive ng tuloy-tuloy na programa ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente laban sa rabies.
Mahalaga rin ang pakikiisa ng mga pet owners upang makamit ang target na herd immunity sa mga hayop sa lungsod. Patuloy na hinihikayat ng tanggapan ang mga residente na dalhin ang kanilang mga alagang aso at pusa sa mga nakatakdang vaccination activities at tiyaking nababakunahan ang kanilang mga alaga taun-taon.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat ang ilang residente na nakinabang sa libreng bakuna para sa kanilang mga alaga. Isa na rito si Ginang Wilma Onia, na nagpabakuna ng kanyang alagang aso at pusa.
Ayon kay Ginang Onia, malaking tulong para sa mga pet owners ang libreng anti-rabies vaccination dahil nakakatipid sila sa gastusin at nakasisiguro pa sa kaligtasan ng kanilang mga alaga. Dagdag pa niya, mahalaga ang ganitong programa upang mapanatiling malusog ang mga hayop at maiwasan ang panganib ng rabies sa komunidad.
Bukod dito, nakakatulong din ang programa upang mas maging responsable ang mga may alagang hayop sa pangangalaga at pagpapabakuna sa kanilang mga alaga.
Patuloy namang nananawagan ang City Veterinary Office sa mga residente ng Santiago City na makiisa sa mga susunod na vaccination drives upang tuluyang mapigilan ang pagkalat ng rabies at mapanatiling ligtas ang komunidad laban sa naturang sakit.











