Nasunog ang ilang bahagi ng isang residential house sa Brgy. 4, San Mateo, Isabela kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Senior Inspector Alberto Bueno, Fire Marshal ng San Mateo Fire Station, sinabi niya na dakong alas-8:55 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nag-ulat ng sunog sa nasabing barangay.
Agad na rumesponde ang mga bumbero at nagtungo sa lugar upang apulahin ang apoy. Sa mabilis na aksyon ng mga rumespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), naideklara itong fire-out bandang alas-9:05 ng umaga.
Bagama’t mabilis na naapula ang sunog, bahagyang nasira o partially damaged ang ilang bahagi ng bahay na pag-aari ni Ginoong Erlito Cadeliña.
Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon ng BFP, isa sa mga tinitingnang posibleng sanhi ng sunog ay deteriorated o sirang electrical outlet sa loob ng bahay.
Ayon kasi sa mga estudyanteng umuupa at nakatira sa naturang bahay, madalas umanong nagkakaroon ng spark ang outlet kapag sinasaksakan, na posibleng nagdulot ng short circuit at siyang posibleng pinagmulan ng sunog.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang kabuuang sanhi ng insidente at ang halaga ng pinsala sa nasunog na bahay.











