Patuloy ang validation ng Department of Agriculture (DA) Region 2 sa mga pananim ng mais na naapektuhan ng matinding tagtuyot sa ilang bahagi ng Lambak ng Cagayan, partikular sa Isabela at karatig-lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Technical Director Kay Olivas ng Research and Regulations Division ng DA Region 2, sinabi niyang batay sa mga ulat mula sa mga lokal na pamahalaan, may ilang taniman ng mais na halos dalawang buwan nang walang ulan, dahilan upang malaki ang epekto ng matinding init sa ani at paglago ng pananim.
Kabilang sa mga nag-report ng pinsala ang mga lokal na pamahalaan ng San Pablo, Quezon, San Isidro, Roxas, Gamu, Cauayan City, Ramon, Aurora, San Guillermo, Echague, at City of Ilagan.
Ayon sa paunang talaan, umaabot sa P537.14 milyon ang tinatayang halaga ng pinsala mula sa 16,956 ektarya ng mais. Sa buong lalawigan ng Isabela, mayroong 119,644 ektarya ng standing crop, kung saan 46,141 ektarya ay nasa maturity stage. Pinakaapektado ang mga pananim na nasa marginal areas at mga nasa vegetative stage pa lamang.
Ipinaliwanag ni Olivas na nagtungo ang kanilang grupo sa Gamu upang magsagawa ng on-site validation sa mga ulat ng nasirang pananim sa ilang barangay. Ayon sa kanya, may mga pananim na nasa reproductive stage pa lamang na may posibilidad pang makarekober, lalo na matapos ang pag-ulan na naranasan nitong mga nagdaang araw.
Gayunman, may mga pananim ding hindi na inaasahang makabawi, partikular ang mga nasa vegetative stage, dahil tuluyan nang natuyo ang mga dahon dulot ng kakulangan sa ulan at matinding init ng panahon.
Batay sa paunang assessment ng DA Region 2, tinatayang 30 porsiyento ng mga naapektuhang pananim ang posibleng hindi na makarekober, habang 70 porsiyento naman ang may pag-asa pang mabuhay at magpatuloy sa paglago, depende sa magiging lagay ng panahon sa mga susunod na linggo.
Dagdag pa ni Olivas, ang datos na ginamit sa validation ay mula sa mga local government units (LGUs), at sila rin ang katuwang ng DA sa pagsasagawa ng field validation upang masigurong tama at maayos ang pagtataya ng pinsala sa mga pananim.
Tiniyak naman niyang nakikipag-ugnayan na sila sa PCIC para sa posibleng ibibigay na tulong sa mga apektadong magsasaka.










