Itinutulak ng Department of Agriculture o DA ang pagtataas ng taripa sa imported pork upang maprotektahan ang lokal na industriya ng baboy at matugunan ang patuloy na pagbaba ng farmgate price.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, hiniling na ng DA sa Tariff Commission ang phased increase sa taripa, mula 15% tungo sa 20% para sa in-quota imports at mula 25% tungo sa 35% para sa out-quota imports.
Posible umanong ibalik ang mga ito sa dating 30% at 40% pagsapit ng Enero 1, 2027.
Batay sa datos ng gobyerno, umabot sa 602,655 metric tons ang pork imports mula Enero hanggang Agosto, mas mataas sa 573,091 metric tons noong nakaraang taon.
Kasabay nito, bumaba umano sa ₱120 kada kilo ang farmgate price ng buhay na baboy mula sa ₱215 kada kilo noong nakaraang taon.
Sinabi ni Tiu Laurel na pinag-aaralan din ang quantitative restriction o paglilimita sa dami ng pork imports bilang karagdagang proteksyon sa lokal na hog industry.











