Umabot na sa 64 katao ang nasawi dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa sa Gamo Zone, timog ng Ethiopia, ayon sa ulat ng pulisya.
Bukod dito, 128 katao pa ang nawawala matapos ang malakas na pag-ulan na nagdulot ng land slides sa rehiyon.
Ayon sa South Ethiopia Regional State Police Commission, natagpuan ang mga bangkay sa ilalim ng putik, habang isa lamang ang nailigtas nang buhay sa isinagawang rescue operations.
Sa ngayon hindi pa malinaw kung gaano karaming kabahayan ang naapektuhan.
Nagpahayag ng pakikiramay si Tilahun Kebede, pangulo ng South Ethiopia Regional State, at nanawagan sa mga residente na lumikas patungo sa mas mataas na lugar dahil patuloy ang pag-ulan.
Samantala, mas malawakang baha sa bahagi ng Silangang Africa partikular sa Kenye kung saan mahigit 42 katao ang nasawi dahil sa ilang araw ng pag-ulan.
Ang mga pagbaha at landslide ay karaniwang nangyayari sa Ethiopia tuwing tag-ulan. Noong Hulyo 2024, mahigit 250 katao ang namatay sa isang malagim na mudslide sa timog na bahagi ng bansa. Ayon sa mga pag-aaral, tumitindi ang dalas at tindi ng matinding tag-ulan at tagtuyot sa East Africa sa nakalipas na dalawang dekada, na inuugnay ng mga siyentipiko sa climate change.










