--Ads--

Patuloy na tinututukan ng mga awtoridad sa lungsod ng Cauayan ang pagpapababa ng bilang ng mga aksidente sa kalsada, kasabay ng bahagyang pagluwag ng trapiko dahil sa ipinatutupad na four-day workweek sa ilang tanggapan ng pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Hepe ng Public Order and Safety Division (POSD), sinabi niya na bukod sa pagbaba ng naitatalang aksidente sa mga pangunahing kalsada, hindi pa rin nila pinapabayaan ang pagbabantay upang tuluyang maiwasan ang mga aksidente o insidente sa lansangan.

Ipinaliwanag ni Mallillin na mahalagang mapanatili ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko at patuloy na paalalahanan ang mga motorista na maging disiplinado sa pagmamaneho upang maiwasan ang anumang aksidente.

Dagdag pa niya, nakita rin ang bahagyang pagluwag ng trapiko sa ilang bahagi ng lungsod dahil sa four-day workweek sa ilang opisina, kung saan nababawasan ang dami ng sasakyang sabay-sabay na bumibiyahe tuwing rush hour.

--Ads--

Sa kabila nito, tiniyak ni Mallillin na magpapatuloy ang kanilang operasyon, kabilang ang regular na pagmomonitor sa mga pangunahing lansangan, pagpapatupad ng road safety measures, at pagsasagawa ng mga inspeksyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrian.

Binigyang-diin niya na bagamat bumaba ang bilang ng mga aksidente, kinakailangan pa rin ang mahigpit na pagtutok ng mga awtoridad upang lalo pang bumaba ang insidente at maging mas ligtas ang mga lansangan para sa lahat.