Nagdulot ng pagkawala ng kuryente sa ilang bahagi ng Cauayan City ang pagkatumba ng apat na poste ng sa kuryente sa Brgy. District 1 matapos mabangga ng isang trailer truck kaninang alas-9 ng umaga.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, paparada na sana ang trailer truck na naglalaman ng semento nang hindi mapansin ng tsuper ang mga poste ng kuryente, na naging dahilan upang mabangga ang mga ito at tuluyang matumba.
Dahil sa aksidente, nawalan ng kuryente ang mga barangay ng Amobocan, Research Minante I, Minante II, ilang bahagi ng Naganacan, Nungnungan I, ilang bahagi ng Nungnungan II, Pinoma, San Antonio, San Isidro, ilang bahagi ng Sillawit, Faustino, San Francisco, Minante I Proper, at Nagrumbuan Cauayan City.
Ayon sa Isabela Electric Cooperative (ISELCO 1), kasalukuyang nagtatrabaho ang kanilang mga technician upang kumpunihin ang nasirang linya, ngunit hindi pa tiyak kung anong oras maibabalik ang kuryente sa mga apektadong lugar. Pinayuhan din ng ISELCO ang mga residente na maging maingat at isiping may kuryente pa rin ang mga linya habang nagpapatuloy ang pagkukumpuni.










