--Ads--

Maglulunsad ng isang nationwide strike ang grupong PISTON sa darating na Marso 19 bilang protesta sa sunud-sunod na taas-presyo ng gasolina dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Mody Floranda, National President ng PISTON, isasagawa ang welga hindi lamang sa National Capital Region kundi sa buong bansa.

“Ngayong darating na Marso 19 ay idedeklara at ilulunsad natin ang aksyon, hindi lamang sa NCR kundi sa buong bansa,” ani Floranda sa isang press conference.

Dagdag pa niya, nakatakda ring maghain ang PISTON ng P5 dagdag-pasahe upang matulungan ang mga tsuper na mabawi ang nawalang kita.

--Ads--

Pinuna rin ng PISTON ang P5,000 cash aid ng gobyerno para sa mga apektadong tsuper at operator, at sinabi nilang kulang lamang ang halagang ito at baka sagana lamang para sa ilang araw ng gastusin sa gasolina.

Hinikayat din ni Floranda ang mga kompanyang petrolyo na unahin munang ibenta ang mas murang stock ng gasolina bago taasan ang presyo dahil sa pagbabago sa pandaigdigang merkado.

Bukod dito, iginiit ng PISTON na dapat bawiin ang Oil Deregulation Law dahil nagbibigay ito ng kalayaan sa mga oil company na itakda ang presyo ng gasolina. Nais din ng grupo ang pansamantalang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.