--Ads--

Inanunsiyo ni Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes ang pamamahagi ng karagdagang cash subsidies para sa mga magsasaka at mangingisda upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.

Ito ay kasunod ng tumitinding tensiyon sa Middle East na nagdulot ng malaking pagtaas sa presyo ng langis.

Sa isang video statement, sinabi ng Pangulo na ipagpapatuloy ng Department of Agriculture ang pamimigay ng P3,000 fuel subsidy sa mga magsasaka.

Ayon kay Marcos, mahigit 26,000 magsasaka ang inaasahang makikinabang sa nasabing ayuda.

--Ads--

Nauna na ring inanunsiyo ng pamahalaan ang pagbibigay ng fuel subsidy at cash assistance sa mga tricycle driver na nakatakdang simulan ngayong Marso 17.

Samantala, sinabi rin ng Pangulo na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay magbibigay ng P3,000 fuel subsidy sa mahigit 26,000 mangingisda sa Marso 19.

Bukod dito, mamamahagi rin ang Department of Agriculture ng P2,000 sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk Program ngayong Abril upang makatulong sa kabuhayan ng mga benepisyaryo.

Iminungkahi rin ni Marcos na maaaring gamitin ng mga lokal na pamahalaan ang Local Government Support Fund upang bumili ng bigas mula sa mga magsasaka at ipamahagi ito sa mga komunidad.

Hinimok din niya ang mga local government unit na tiyaking walang ipapataw na pass-through fees sa naturang programa.

Naglatag din ang Pangulo ng ilang policy adjustments sa sektor ng transportasyon. Ayon sa kanya, babawasan ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang mga singil tulad ng passenger service charge, landing fee, parking fee, at iba pang bayarin.

Aniya, makatutulong ito upang bumaba ang gastusin ng mga airline at maging ang presyo ng pamasahe sa eroplano.