Nagpadala ng mga barko at eroplano ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Bajo de Masinloc upang tugunan ang umano’y pangha-harass ng mga sasakyang pandagat ng China sa mga mangingisdang Pilipino.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, isinagawa ang deployment nitong Miyerkules katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Layunin nitong tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisda at maghatid ng tulong tulad ng fuel subsidies, yelo, at mga food pack.
Batay sa salaysay ng mga mangingisda, nagsagawa umano ng mapanganib na maniobra ang ilang Chinese Coast Guard vessels, kabilang ang paggamit ng malalakas na sirena at pagpapalabas ng Rigid Hull Inflatable Boats (RHIB) upang itaboy ang mga Pilipino at pigilan silang mangisda sa naturang lugar.
Sa utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, nagpadala rin ng isang PCG aircraft para magsagawa ng Maritime Domain Awareness flight sa Bajo de Masinloc.
Sa isinagawang surveillance, nakumpirma ang presensya ng limang Chinese Coast Guard vessels, tatlong barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN), at dalawang Chinese Maritime Militia vessel sa lugar.
Nakita rin mula sa himpapawid ang mahigit 20 bangkang pangisda ng mga Pilipino sa paligid ng Bajo de Masinloc, pati na ang mga dilaw na buoy na iniulat na inilagay ng China noong nakaraang taon.
Ayon pa sa PCG, hinamon ng kanilang aircraft ang presensya ng mga dayuhang barko sa loob ng karagatan ng Pilipinas. Ito rin umano ang unang pagkakataon na isang asset ng People’s Liberation Army Air Force ang sumubok na humamon sa isang PCG aircraft.
Patuloy namang tiniyak ng PCG ang kanilang pagtupad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.











