Patay sa magdamagang pag-atake ng US at Israel ang tagapagsalita ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran na si Ali Mohammad Naini, 68-anyos na brigadier general na nagsimulang gumanap bilang tagapagsalita ng IRGC noong 2024.
Ayon sa pahayag ng IRGC nitong Biyernes,nasawi si Naini ilang oras matapos siyang lumabas sa pambansang telebisyon upang igiit na nananatiling buo ang kakayahan ng Iran na gumawa ng mga missiles kahit sa gitna ng digmaan.
Samantala, sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na “wala nang kakayahan ang Iran na magpayaman ng uranium at gumawa ng ballistic missiles.”
Ayon sa militar ng Israel, nagsasagawa sila ng mga pag-atake sa silangang Tehran nitong Biyernes, kasabay ng pagdiriwang ng Persian New Year na Nowruz at ng Eid al-Fitr.
Ang pagpaslang kay Naini ay dagdag sa serye ng mga high-profile assassinations na nagpayanig sa pamahalaan ng Iran sa loob lamang ng tatlong linggo. Kabilang sa mga napatay sina Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei (napalitan ng kanyang anak na si Mojtaba Khamenei), Ali Larijani ng Supreme National Security Council, pati na rin ang hepe ng Basij paramilitary forces na si Brigadier General Gholamreza Soleimani at Intelligence Minister Esmail Khatib.
Idinagdag pa ng militar ng Israel na napatay rin si Esmail Ahmadi, mataas na opisyal ng Basij, sa parehong pag-atake na tumarget sa command centre ng grupo sa Tehran.
Sa kabila ng serye ng pagpaslang, iginiit ng Foreign Minister ng Iran na si Abbas Araghchi na hindi nakabatay sa iisang tao ang estruktura ng politika ng Iran











