Napilitang magsagawa ng emergency landing sa Saudi Arabia ang isang FlyDubai flight mula Dubai patungong Israel matapos umanong saksakin ng isang piloto ang kanyang kapwa piloto at tangkaing agawin ang kontrol sa eroplano.
Ayon kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, nang papalapit na sa Israel ang eroplano ay sinaksak umano ng isang piloto ang kanyang kapwa piloto at tila tinangka ring pabagsakin ang eroplano.
Agad namang kumilos ang ilang pasahero at crew upang pigilan ang umatakeng piloto. Ayon sa mga pasahero, pumasok sa cockpit ang ilan sa kanila at napigilan ang suspek bago naibalik ang kontrol sa eroplano sa isa pang flight crew.
Ayon naman sa isang pasahero, halos wala umanong kontrol ang eroplano nang mangyari ang pananaksak habang nasa himpapawid sa bahagi ng Jordan.
Na-divert ang FlyDubai Flight 1073 at ligtas na nakapag-landing sa Tabuk, Saudi Arabia. Wala umanong pasaherong nasugatan, ngunit nagtamo ng saksak ang pilotong inatake. Dalawa ring crew member ang dinala sa ospital dahil sa tinamong injuries.
Kinumpirma ng FlyDubai na nagkaroon ng “altercation” o pisikal na komprontasyon sa flight deck. Sinabi ng airline na matagumpay na nakontrol ng mga crew member ang sitwasyon at ligtas na nailapag ang eroplano.
Ayon kay Netanyahu, naaresto ang pilotong sangkot sa pananaksak at kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Saudi Arabia.
Sinabi ng FlyDubai na hindi pa malinaw ang dahilan at motibo sa insidente at hinikayat ang lahat na iwasan ang mga haka-haka habang isinasagawa ang pormal na imbestigasyon.
Batay sa flight-tracking data, nagpadala ng emergency alert ang eroplano at bumaba ito ng mahigit 17,000 talampakan sa loob lamang ng dalawang minuto bago tuluyang mag-divert patungong Saudi Arabia.
Nagpadala naman ang FlyDubai ng dalawang kapalit na eroplano sa Tabuk upang sunduin ang mga pasahero at crew.











