Bahagyang nabahala ang mga Pilipino sa United Arab Emirates sa banta ni United States President Donald Trump na pag-atake power plant ng Iran kung hindi nito bubuksan ang Strait of Hormuz sa loob ng 48 oras.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Joekenneth De Vera Dumrique ng UAE na ramdam na nila ang unti-unting paglala ng tensyon mula nang magbigay ng ultimatum si Trump.
Sa loob ng dalawang linggo ay bihira na lamang aniya ang mga pagsabog sa kanilang lugar subalit muli itong tumindi matapos ang pagbabanta ng Pangulo ng US.
Nito lamang alas-2 ng madaling araw sa UAE ay may naitalang mahigit 20 na pagsabog sa kanilang lugar.
Gayunpaman, tiniyak naman umano ng Pamahalaan ng UAE ang kaligtasan ng publiko at nilinaw na ang mga naririnig na pagsabog ay pawang mga interceptions lamang.
Ayon kay Dumrique, na-extend ng dalawang Linggo ang work-from-home set-up sa naturang bansa para sa kaligtasan ng publiko.
Sa ngayon ay may ilan nang mga Pilipino na nagpahayag ng kagustuhang magpa-repatriate o umuwi ng bansa.











