--Ads--

Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtanggal ng isang tarpaulin na may nakalagay na larawan nito, na ipinuwesto sa gitna ng pamamahagi ng cash assistance o ayuda sa Quezon City.

Sa isang press briefing, tinanong si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kung exempted ang Pangulo sa Anti-Epal policy na nakasaad sa 2026 budget law.

“Ngayon po nakita ni Pangulong Marcos Jr. ang isang tarpaulin na mayroon siyang larawan, inutos po niyang tanggalin ang kanyang larawan… Cinall out po niya ang DSWD,” ani Castro.

Sa isang Facebook post, tinuligsa ni BAYAN President Renato Reyes ang tarpaulin na inilagay sa isang payout sa Quezon City dahil ipinapakita nitong ang tulong ay mula sa Pangulo: “Serbisyo at tulong mula kay Pangulong Bongbong Marcos.”

--Ads--

Ipinaliwanag ni Castro na palaging may sasabihin ang mga kritiko tungkol kay Marcos.

“Kapag po hindi nakikita ang Pangulo at karamihan ay nasa meeting lang sa Malacañang, sasabihin ng iba, ‘Nasaan ang Pangulo?’ Kapag naman nakikita madalas at nakikitang gumaganap sa kanyang mga programa, sasabihin ng iba, namumulitika,” ani Castro.

Ayon sa Republic Act No. 12314 o General Appropriations Act (GAA), na nagtatakda ng P6.793-trilyong budget ng gobyerno para sa 2026, ang pamamahagi ng cash assistance at iba pang tulong pinansyal ay dapat isagawa lamang ng awtorisadong opisyal ng gobyerno, kawani, o accredited na partner.

Binigyang-diin din ni Marcos na ipinagbabawal sa mga politiko ang pamamahagi ng tulong pinansyal upang matiyak na ang suporta ay makarating sa mga benepisyaryo “without patronage.”

Ayon kay Castro, hindi exempted ang Pangulo sa nasabing probisyon, ngunit dapat ding malaman ng publiko ang mga proyekto ng Pangulo para sa kanilang kapakinabangan.

Samantala, sinabi ni Castro na inisip ng DSWD na exempted ang Pangulo sa Anti-Epal policy, ngunit nang sila ay pinuna tungkol dito, agad nilang tinugunan ang sitwasyon.