--Ads--

Nanawagan si Archbishop Gilbert A. Garcera, Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, sa mga mananampalataya na pagnilayan ang dakilang pag-ibig ng Diyos ngayong Holy Week o Mahal na Araw.

Sa kanyang Lenten message, binigyang-diin ng arsobispo ang sakripisyo ni Jesus Christ na nag-alay ng Kanyang buhay sa krus upang tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Ayon sa kanya, ito ay paanyaya sa mga mananampalataya na magbalik-loob at muling maranasan ang pagmamahal ng Diyos.

Hinimok din niya ang publiko na gawing pagkakataon ang Mahal na Araw upang magnilay at palalimin ang pananampalataya, lalo na sa gitna ng patuloy na kaguluhan at digmaan sa Middle East. Aniya, ang Diyos ang tunay na bukal ng kapayapaan sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng mundo.

Dagdag pa niya, mahalagang samahan si Jesus sa Kanyang paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay bilang bahagi ng paggunita sa Mahal na Araw. Umaasa rin ang arsobispo na matapos ang panahong ito ay magningas sa puso at isipan ng bawat isa ang tunay na pagmamahal.

--Ads--

Sa huli, nanalangin si Garcera ng biyaya at pagpapala para sa lahat ng mananampalataya ngayong Mahal na Araw.