Magsasagawa ng panibagong malaking pagtitipon ang mga lider ng Simbahang Katolika, iba pang Religious groups, at mga organisasyon ng civil society sa Hunyo 28 sa EDSA People Power Monument bilang pagpapatuloy ng Trillion Peso March na naglalayong itulak ang pananagutan ng mga sangkot sa mga alegasyon ng katiwalian sa bansa.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Bishop Colin Bagaforo, lead convenor ng CBCP InterReligious Leaders’ Council for National Transformation at obispo ng Kidapawan, na tatawagin ang pagkilos na “White Ribbon Movement March.”
Ayon kay Bagaforo, pangungunahan ng Inter-Religious Leaders Council for National Transformation ang naturang martsa at iginiit niyang ito ay isang pagkilos na nakabatay sa pananampalataya at bunga ng sama-samang pagninilay, panalangin, at pananagutan sa harap ng Diyos.
Sinabi rin niya na layunin ng pagtitipon na ipaalala sa pamahalaan na nararapat sa mga Pilipino ang mas maayos na kinabukasan.
Inaasahang magsisimula ang martsa bandang tanghali patungo sa People Power Monument. Iginiit din ng obispo na dapat managot at makulong ang mga mapatutunayang sangkot sa katiwalian.
Bukod dito, isusulong din ng mga kalahok ang pagpapatupad ng isang tunay na batas laban sa political dynasty at mga reporma sa sistema ng halalan.
Nanawagan si Bagaforo sa mga relihiyosong organisasyon, non-government organizations, samahang pang-edukasyon, magsasaka, mangingisda, manggagawa, at iba pang sektor na makiisa sa pagkilos at panalangin para sa pagbabago at mabuting pamamahala.










