Isang US fighter jet ang pinabagsak sa himpapawid ng Iran, at sa isinagawang search-and-rescue operation, isa pa lamang sa dalawang crew member na nag-eject ang nasagip, ayon sa isang opisyal ng Estados Unidos. Ito ang unang insidente ng ganitong uri mula nang magsimula ang halos limang linggong digmaan.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang Pentagon at US Central Command hinggil sa insidente. Samantala, pinaniniwalaang buhay pa ang isa pang piloto na nawawala at posibleng nagtatago sa loob ng Iran, na lalong nagpapataas ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa mga ulat, ang bumagsak na eroplano ay isang F-15E fighter jet na may dalawang sakay—isang piloto at isang weapons systems officer. Hindi pa malinaw kung sino sa dalawa ang nasagip at kung paano ito naisagawa.
Sa hiwalay na insidente, dalawang Blackhawk helicopter na bahagi ng rescue mission ang tinamaan ng putok mula sa Iran ngunit nakalabas din ng kanilang airspace. May isa ring A-10 Warthog aircraft na bumagsak sa Kuwait matapos tamaan, kung saan nakapag-eject ang piloto. Hindi pa tiyak ang kalagayan ng mga sakay ng mga naturang sasakyang panghimpapawid.
Samantala, hinikayat ng mga opisyal ng Iran ang kanilang mamamayan na tumulong sa paghahanap sa nawawalang crew, habang kumakalat sa social media ang mga larawan ng umano’y mga debris mula sa pinabagsak na eroplano.
Naabisuhan na si US President Donald Trump tungkol sa insidente, ayon sa White House, bagaman wala pang detalyeng ibinibigay hinggil dito.











