--Ads--

Dalawang motorista ang agad na natulungan ng Public Safety Office ng Provincial Government of Isabela matapos na maubusan ng gasolina habang bumibiyahe ngayong Semana Santa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Safety Officer Kim Agbayani ng Provincial Government of Isabela, sinabi nito na ang isa sa mga insidente ay naganap sa kahabaan ng kalsada papunta at mula sa Abuan River sa Lungsod ng Ilagan, habang ang isa naman ay naitala sa bahagi ng Tumauini patungong Magoli.

Ayon kay Agbayani, agad na rumesponde ang kanilang roving teams upang tulungan ang mga motorista sa pamamagitan ng pagsundo at pagsama sa mga ito sa pagkuha ng kinakailangang gasolina. Bukod dito, may dala ring mga kagamitan ang kanilang sasakyan tulad ng tools at ramp upang maasistehan ang mga sasakyang nangangailangan ng agarang tulong.

Dagdag pa niya, simula pa noong Lunes ay naka-deploy na ang mga Police Assistance Desk at First Aid Stations ng PNP at BFP sa iba’t ibang strategic locations sa lalawigan. Patuloy rin umano ang kanilang pag-iikot, lalo na sa mga riverbanks at picnic grounds sa hilaga at iba pang bahagi ng Isabela upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

--Ads--

Sa ngayon, wala pang natatanggap na opisyal na ulat ang kanilang tanggapan kaugnay sa mga insidente ng pagkalunod, bagama’t patuloy ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya para sa monitoring. Samantala, nananatili rin ang mahigpit na implementasyon ng mga batas-trapiko sa kabila ng pagdiriwang ng Semana Santa.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Agbayani ang publiko na manatiling maingat lalo na sa pagbibiyahe pauwi, sumunod sa mga batas-trapiko, at panatilihin ang disiplina sa kalsada upang maiwasan ang anumang aksidente ngayong panahon ng bakasyon.