--Ads--

Tinatayang aabot sa ₱5,000 ang halaga ng pinsala matapos masunog ang isang barong-barong na bahay sa Purok 8, Brgy. Calao East, Santiago City kung saan nadamay ang ilang gamit at isang alagang aso.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 1 Elvin Vallejo, Chief Intelligence and Investigation Section ng BFP Santiago, sinabi nito na nakatanggap sila ng tawag bandang alas-12:41 ng tanghali mula sa isang concerned citizen hinggil sa nasusunog na bahay.

‎Agad namang nagdeklara ng alarma at rumesponde ang tatlong fire truck kasama ang ambulansya.

‎Aniya, Pagdating ng mga bumbero sa lugar, kanilang naabutan na halos tupok na ang nasusunog na barong-barong na may lawak na tinatayang higit sa 2×2 meters.

‎Agad itong naapula sa loob ng halos isang minuto matapos ang pagresponde, at idineklarang fire out makalipas ang ilang minuto.

‎Samantala, ibinahagi naman ng may-ari ng bahay na si Ginoong Jun Mendoza na posibleng nagmula ang sunog sa pumutok na baterya ng kanilang solar panel.

‎Aniya, nagising na lamang siya nang abisuhan ng kapitbahay na nasusunog na ang kanilang bahay.

‎Dagdag pa niya, halos lahat ng kanilang ari-arian ay natupok ng apoy kabilang ang mga gamit sa bahay tulad ng kaldero, banig, pinggan, radyo, at maging ang kanyang pitaka na may lamang ₱500.

‎Nasawi rin ang isa nilang alagang aso na ilang buwan pa lamang sa kanila at tanging kariton na ginagamit nila sa pangangalakal ang kanilang naisalba.

‎Samantala, ayon naman kay Ginang Jenny Bautista, isang residente sa lugar, napansin lamang nila ang usok bago makarinig ng pagsabog na sinundan ng mabilis na pagliyab ng apoy. Sinubukan nilang apulahin ang sunog sa pamamagitan ng pagkuha ng tubig, ngunit hindi na nila ito kinaya dahil sa lakas ng apoy.

‎Sa kabila nito, nagpasalamat siya na walang nasaktan sa insidente, bagamat nanawagan siya ng tulong para sa pamilyang nasunugan na nawalan ng halos lahat ng kanilang ari-arian.