--Ads--

Muling umigting ang kampanya laban sa ilegal na droga sa lungsod ng Cauayan matapos madakip ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation dakong alas-2 ng hapon nitong Abril 7.

Nahuli ang suspek na kinilalang si alyas “Mel,” 26-anyos, single, walang trabaho at residente ng Barangay San Fermin, Cauayan City.

Naganap ang operasyon sa nasabing barangay sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Isabela katuwang ang Cauayan City Police Station.

Nasamsam mula sa suspek ang isang bloke ng pinaniniwalaang marijuana na tinatayang may bigat na isang kilo at may halagang aabot sa ₱20,000. Narekober din ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.

--Ads--

Samantala, nagtangka pang tumakas ang suspek matapos ang transaksyon at umakyat sa bakod, dahilan upang magtamo ito ng sugat sa kamay bago tuluyang naaresto ng mga operatiba.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.