Isinagawa ng Land Transportation Office (LTO) Santiago ang isang road safety seminar sa bayan ng Ramon, Isabela ngayong araw bilang bahagi ng kampanya nito na mapataas ang kamalayan sa kaligtasan sa kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC Dennis Buendia, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng road safety awareness, lalo na sa hanay ng mga miyembro ng Public Order and Safety Unit (POSU), mga barangay tanod, at Committee on Peace and Order na dumalo sa aktibidad.
Layunin ng seminar na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kalahok hinggil sa mga batas-trapiko at wastong pag-uugali sa lansangan upang maiwasan ang mga aksidente.
Ayon kay Buendia, inaasahan na sa pamamagitan ng naturang seminar ay mababawasan ang mga paglabag sa batas-trapiko at hindi na madagdagan ang bilang ng vehicular accidents sa lugar.
Dagdag pa ng LTO, ang patuloy na pagsasagawa ng mga ganitong programa ay bahagi ng kanilang pinalawak na hakbang upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga lansangan sa lalawigan.







