Patuloy na pinaaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) Santiago City ang mga motorista na tiyaking updated ang kanilang driver’s license at rehistro ng sasakyan upang makaiwas sa mga paglabag at mabigat na multa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LTO Santiago City Officer-in-Charge Dennis Buendia, sinabi nitong nananatiling abala ang kanilang tanggapan sa pagpapatupad ng mga batas trapiko dahil ang Santiago City ay nagsisilbing pangunahing daanan ng mga sasakyang bumibiyahe patungong Metro Manila, Isabela, Cagayan at iba pang karatig-lugar.
Ayon kay Buendia, kabilang sa mga pinakakaraniwang paglabag na kanilang naitatala ang unregistered motor vehicles, unlicensed drivers, paggamit ng tsinelas habang nagmamaneho, mga defective accessories tulad ng sirang signal at brake lights, at ang patuloy na operasyon ng mga colorum o mga pribadong sasakyang namamasada nang walang prangkisa.
Kabilang din sa madalas na paglabag ang failure to carry franchise, unauthorized modification ng sasakyan, hindi pagsusuot ng seatbelt, hindi paggamit ng helmet, at iba pang paglabag sa mga batas trapiko.
Ipinaalala rin ni Buendia na may bisa hanggang Hulyo 31 ang extension ng validity ng rehistro para sa mga sasakyang ang plaka ay nagtatapos sa 4, 5 at 6. Aniya, maaaring mag-renew ang mga ito hanggang sa nasabing petsa nang walang karagdagang penalty.
Samantala, hinikayat ng opisyal ang mga wala pang driver’s license na samantalahin ang libreng Theoretical Driving Course (TDC) na inilulunsad ng LTO sa pamamagitan ng mga caravan sa iba’t ibang bayan. Aniya, malaking tulong ito sa mga nais kumuha ng student permit dahil libre itong ibinibigay kumpara sa mga pribadong driving school.
Binigyang-diin din ni Buendia na walang shortcut sa pagkuha ng driver’s license at kinakailangang dumaan ang lahat ng aplikante sa tamang proseso at mga itinakdang requirements.









