Iginiit ng samahan ng mga tricycle drivers sa lungsod ng Cauayan na walang naganap na manipulasyon o “palakasan” sa pamamahagi ng ayuda para sa kanilang sektor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rolando Lanuza, Vice President ng Union Tricycle Operators and Drivers Association of Cauayan City (UTODACC), sinabi nito na nakabatay sa datos mula sa mga barangay at lokal na pamahalaan ang listahan ng mga benepisyaryo.
Ayon kay Lanuza, naniniwala ang kanilang samahan na maayos ang naging proseso at walang nangyaring aberya sa pamamahagi ng ayuda sa mga tricycle driver sa lungsod.
Gayunman, inamin nito na may ilang mga driver ang nagtungo sa kanilang tanggapan upang magreklamo matapos hindi maisama ang kanilang pangalan sa listahan ng mga tumanggap ng ayuda. Paliwanag niya, maaaring nagkaroon ng kakulangan sa requirements o kaya ay may isyu sa mga isinumiteng datos ng mga ito.
Dagdag pa niya, inaasahang maaayos ang nasabing problema sa isasagawang second wave ng pamamahagi ng ayuda, na mula sa Department of Social Welfare and Development, habang katuwang lamang ang lokal na pamahalaan at mga barangay sa pagbibigay ng datos.
Nakatakdang isagawa ang second wave sa barangay Cabaruan kung saan inaasahang makatatanggap ng ayuda ang mga hindi napabilang sa unang batch.
Kaugnay nito, kinakailangan ng mga benepisyaryo na magsumite ng karagdagang dokumento kabilang ang form mula sa kanilang TODA, prangkisa, National ID, at driver’s license upang makapag-claim ng ayuda.
Nilinaw naman ni Lanuza na ang second wave ay para lamang sa mga hindi nakatanggap noong unang pamamahagi, habang wala pa umanong pinal na pahayag ang mga otoridad para sa mga hindi talaga naisama sa listahan ng mga benepisyaryo.










