--Ads--

Upang palakasin ang suplay ng kuryente sa gitna ng idineklarang energy emergency sa bansa, sabay na ipinatupad ng Department of Energy (DOE) ang mas pinadaling proseso para sa aplikasyon ng net metering ng solar energy systems.

Ayon sa inilabas na panuntunan ng ahensya, malaki na ang ibinawas sa mga kinakailangang dokumento mula sa mga local government units (LGUs) at distribution utilities para sa mga nais magkabit ng solar panels.

Sa ilalim ng bagong sistema, itinakda na lamang sa tatlong araw ang processing time para sa mga permit sa LGU.

Bukod dito, ang interconnection process na dating umaabot ng dalawampung araw ay kailangan na ring tapusin sa loob lamang ng sampung working days.

--Ads--

Upang mas mapabilis ang transaksyon at maiwasan ang pagpila ng mga aplikante, opisyal na ring pinapayagan ng ahensya ang paggamit ng electronic signatures, online payments, at mga standardized templates.

Nilinaw ng DOE na bahagi ang repormang ito ng kanilang inisyatibo na gawing mas accessible sa mga Pilipino ang paggamit ng malinis at abot-kayang enerhiya.