Nagpahayag si U.S. President Donald Trump na magpapatupad ang Estados Unidos ng naval blockade sa Strait of Hormuz kasunod ng nabigong peace talk sa pagitan ng Iran at ilang bansa na ginanap sa Islamabad, Pakistan.
Sa isang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na agad-agad sisimulan ng U.S. Navy ang pagharang sa lahat ng barkong papasok at lalabas sa naturang daungan ng langis. Ayon sa kanya, layunin nito na pigilan ang Iran sa umano’y pagkolekta ng “illegal toll” mula sa mga barko.
Dagdag pa ni Trump, makikibahagi rin umano ang iba pang bansa sa naturang blockade, at hindi papayagan ang Iran na kumita mula sa sitwasyon habang apektado ang pandaigdigang ekonomiya.
Babala pa ni Trump, huhulihin o haharangin din ng U.S. Navy ang lahat ng barko sa international waters na umano’y nagbabayad ng “toll” sa Iran kapalit ng pagdaan sa Strait of Hormuz.
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang daungan ng langis sa mundo, na dinadaanan ng malaking bahagi ng pandaigdigang suplay ng petrolyo.
Dahil dito, maaaring magdulot ng mas malawak na epekto sa pandaigdigang ekonomiya ang anumang pag-harang sa Strait.
Sa ngayon, ‘wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa National Defense ng Amerika.











