Naging pangunahing usapin sa isinagawang public consultation ng 12th Sangguniang Panlalawigan ng Isabela ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa mga magsasaka at tricycle drivers sa lalawigan.
Ayon kay Hon. Joelle Mathea S. Panganiban, Municipal Mayor ng Angadanan, sinabi nito na sa mga nakalipas na linggo ay dumarami ang hinaing ng kanilang constituents, partikular ang mga magsasaka at tricycle drivers.
Aniya, isa sa pangunahing problema ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo na direktang nakaapekto sa kabuhayan ng mga driver at sa produksyon ng mga magsasaka.
Ibinahagi nito na inaasahang makakatanggap ng tulong ang mga tricycle driver at franchise holders mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa darating na Abril 20 o 21, habang patuloy din ang pagbibigay ng ayuda ng lokal na pamahalaan ng Angadanan.
Gayunman, aminado ang alkalde na nangangamba ang ilang tricycle drivers na tuluyang tumigil sa pamamasada kung magpapatuloy ang mataas na presyo ng langis, habang apektado rin ang mga magsasaka sa pagtaas ng presyo ng abono gaya ng urea at iba pang farm inputs.
Samantala, sinabi ni Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy ng Isabela na ang nararanasang pagtaas ng presyo ng langis ay bahagi ng global crisis at hindi lamang sa lalawigan nararanasan kundi sa buong mundo.
Ayon sa bise gobernador, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pambansang pamahalaan upang matiyak ang sapat na suplay at mas maayos na presyo ng langis, kasabay ng pagpuri sa LGU Angadanan sa pagbibigay ng tulong sa mga driver.
Sa hiwalay na pahayag, iginiit ni Hon. Lourdes S. Panganiban, Municipal Vice Mayor ng Angadanan, ang pangangailangan ng malinaw na polisiya kaugnay ng energy-saving measures at fare increase.
Aniya, bagamat may nakahanda nang ordinansa sa pamasahe, hindi ito maipatupad dahil sa umiiral na fare freeze, dahilan upang patuloy na umapela ng konsiderasyon ang mga tricycle driver.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Vice Governor Dy na maaaring gumawa ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan upang matulungan ang mga driver habang binabalanse ang kapakanan ng mga pasahero.
Ayon sa bise gobernador, bagamat may umiiral na guidelines mula sa pambansang pamahalaan, maaari namang pag-aralan ng Sangguniang Panlalawigan ang paglikha ng resolusyon upang hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng makatarungang hakbang para matulungan ang mga driver habang isinasaalang-alang din ang kakayahan ng mga pasahero.










