Matagumpay na isinagawa ng PNP ang isang drug buy-bust operation kahapon, Abril 13, sa Brgy. Sta. Maria, Maddela, Quirino.
Isinagawa ito ng pinagsanib na mga kasapi ng Maddela Police Station, katuwang ang QPDEU, QPIU, at 2nd QPMFC, sa koordinasyon ng PDEA Region 2, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. William Agpalza, hepe ng Maddela Police Station, sinabi niyang naaresto sa operasyon ang isang alyas “Uban,” 38 taong gulang, may asawa, construction worker, at residente ng nasabing lugar, matapos umanong magbenta ng isang piraso ng heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang operatiba.
Nakumpiska rin mula sa kanyang pag-iingat at kontrol ang dalawa pang sachet ng hinihinalang shabu.
Matapos ang isinagawang imbentaryo, dinala ang suspek sa Maddela Police Station at kasalukuyang nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PMaj. Agpalza, matagal nang minamanmanan ang operasyon ng suspek sa bayan ng Maddela, na kabilang sa street-level individual list, at sa naturang operasyon ay tuluyan na siyang naaresto ng pulisya sa barangay.
Muling pinaalalahanan ng hepe ang publiko, lalo na ang mga patuloy na sangkot sa ilegal na droga, na itigil na ang kanilang gawain, kasabay ng babala na paiigtingin pa ng kanilang himpilan ang mga operasyon upang tuluyang masugpo ang bentahan at paggamit ng ipinagbabawal na droga sa bayan.










