--Ads--

Nakatakdang talakayin ng House Justice Panel ang mga alegasyon ng unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte, sa pamamagitan ng mga bank transaction records na inaasahang isusumite ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Abril 22.

Nauna nang inaprubahan ng komite ang subpoena laban sa AMLC, na nag-uutos na isumite ang mga ulat ng covered at suspicious bank transactions mula 2006 hanggang 2025 na may kinalaman sa Bise Presidente o sa kaniyang asawang si Mans Carpio.

Bahagi ng mga reklamo sa dalawang impeachment complaint na nakabinbin sa komite ang alegasyon ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Kasama rin sa subpoena ang utos na isumite ng AMLC ang lahat ng kaugnay na imbestigasyon o dokumento hinggil sa mga nasabing transaksyon, o maglabas ng sertipikasyon kung walang umiiral na rekord. Dapat maisumite ang mga dokumento sa House justice panel sa o bago ang Abril 22, 2026 para sa agarang pagsusuri.

--Ads--

Ang mosyon para sa subpoena ay inihain ni Akbayan Representative Percival Cendaña.

Una sanang iminungkahi ni House Deputy Minority Leader Jose Manuel Diokno na palawigin ang subpoena upang isama ang lahat ng miyembro ng pamilya ng Bise Presidente, ngunit kalaunan ay nilimitahan ito sa kanya at sa kaniyang asawa.

Samantala, ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente ay nasa pangangalaga ng Office of the Ombudsman na pinamumunuan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na nauna nang nagsabi na susunod sila sa subpoena ng House justice panel para sa lahat ng SALN ni Duterte bilang opisyal ng gobyerno.