Bumaba ang bilang ng mga bumibisitang kaanak sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa BJMP Cauayan kasunod ng nararanasang matinding init ng panahon at pagtaas ng presyo ng petrolyo na nakaapekto sa pamasahe.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JChief Insp. Susan Encarnacion ng BJMP Cauayan, sinabi nito na kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga bisita kumpara noon kung saan mas marami ang dumadalaw sa mga PDL.
Ayon kay JChief Insp. Encarnacion, isa sa pangunahing dahilan nito ay ang pagtaas ng gastusin sa transportasyon na dulot ng mahal na produktong petrolyo, bukod pa sa epekto ng matinding init ng panahon.
Gayunman, tiniyak ng opisyal na may alternatibong paraan upang makipag-ugnayan ang mga PDL sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng electronic dalaw o e-dalaw.
Sa ilalim ng programang ito, maaaring makipag-video call o regular na tawag ang mga PDL sa kanilang mga mahal sa buhay kung hindi sila personal na madalaw.
Nilinaw din ni JChief Insp. Encarnacion na hindi pinapayagan ang mga PDL na magkaroon ng sariling gadgets, ngunit may nakahandang kagamitan ang BJMP na ginagamit sa e-dalaw sa pamamagitan ng isang itinalagang platform at may nakatalagang personnel na nangangasiwa sa proseso.
Sa kabila ng pagbaba ng pisikal na pagbisita, sinisikap ng BJMP na mapanatili ang komunikasyon ng mga PDL at kanilang pamilya sa pamamagitan ng mga makabagong pamamaraan.










