Nakatakdang magtungo sa Vietnam si Isabela Governor Rodito Albano upang pag-aralan ang pagbili ng electric bus na gagamitin sa pamamasada sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niya na layunin ng kanilang pagbisita na baguhin ang sistema ng transportasyon a lalawigan sa pamamagitan ng renewable energy.
Aniya, mayroong pautang na iniaalok ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga kooperatiba ng bus at jeep na maaaring sabayan din ng Provincial Government upang matulungan ang mga ito na makabili ng electric vehicles.
Ito ay makatutulong umano upang mabawasan ang epekto ng oil crisis, lalo na at walang kasiguraduhan kung kailan matatapos ang giyera sa Middle East.
Ayon sa Gobernador, pinalalakas ng pamahalaang panlalawigan ang paggamit ng renewable energy. Sa susunod na mga buwan ay nakatakda umanong bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lalawigan upang pangunahan ang inagurasyon sa ng 440-megawatt solar power plant sa Ilagan City.
Maliban dito ay mayroon ding nakatakdang proyekto ang San Miguel Coroporation na 500-megawatt solar facility sa Lungsod ng Cauayan.
Kung maisasakatuparan ang mga planong ito ay mas magiging madali ang transition patungo sa paggamit ng electric vehicles, kabilang na ang electric tricycle na target din nilang dalhin sa pilipinas hindi lamang upang makatipid kundi para na rin mabawasan ang polusyon sa komunidad.







