--Ads--

Pinalakas pa ang ugnayang militar ng Pilipinas at mga kaalyadong bansa matapos makilahok ang mahigit 17,000 sundalo mula sa Pilipinas, Estados Unidos, at mga bansang Australia, Canada, France, Japan, United Kingdom at New Zealand sa taunang Balikatan Exercises ngayong 2026.

Bukod dito, may 17 pang bansa ang nagpadala ng mga tagamasid, kabilang ang Czech Republic, Lithuania, Poland at Netherlands.

Nakibahagi rin ang French Armed Forces sa pamamagitan ng pagpapadala ng 20 tauhan sa multinational exercise headquarters. Ayon sa French Pacific Command, layunin nitong palakasin ang koordinasyon ng magkakaalyadong pwersa at ang kakayahang magtulungan (interoperability) para sa seguridad at katatagan ng rehiyon.

Ito na ang ikatlong paglahok ng France sa Balikatan, kasunod ng kanilang partisipasyon noong 2024 at 2025, at kasabay ng pinaigting na ugnayang militar sa Pilipinas matapos lagdaan ang Visiting Forces Status Agreement noong Marso 26.

--Ads--

Samantala, tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling matatag ang alyansa ng Estados Unidos sa Pilipinas sa kabila ng umiiral na tensyon sa Middle East.

Ayon kay AFP Chief General Romeo Brawner Jr., personal na tiniyak ni US Indo-Pacific Command chief Admiral Samuel Paparo na hindi maaapektuhan ang suporta ng Amerika sa Pilipinas.

Dagdag pa niya, ang Balikatan na nagsimula bilang bilateral na pagsasanay ay isa nang multilateral na aktibidad na sumasalamin sa kasalukuyang hamon sa seguridad at kolektibong responsibilidad ng mga bansa para sa kapayapaan.

Layunin ng taunang programa na paigtingin ang kakayahan ng mga pwersa sa mabilis at epektibong pagtugon sa iba’t ibang banta. Isinasagawa ang mga pagsasanay sa iba’t ibang bahagi ng bansa—mula Northern Luzon hanggang Palawan, at mula Visayas hanggang Mindanao.

Sinabi naman ni US Marine Corps Lieutenant General Christian Wortman na minimal lamang ang epekto ng sigalot sa Middle East sa Balikatan 2026.

Inaasahan ding maisasama sa pagsasanay ang ilang advanced defense systems tulad ng Typhon, BrahMos at iba pang high-end military assets.

Makikilahok din ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pamamagitan ng pagpapadala ng 500 tauhan at apat na barko. Kabilang sa kanilang gagawing aktibidad ang maritime law enforcement, search and rescue operations, environmental response, at humanitarian assistance at disaster response drills.

Gagamitin ng PCG ang BRP Melchora Aquino, BRP Cape San Agustin, BRP Cabra at BRP Panglao sa mga maniobrang pandagat at pinagsanib na operasyon.

Ang Balikatan 2026 ay patunay ng lumalalim na kooperasyon ng Pilipinas at mga kaalyado nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.