--Ads--

Tiniyak ng Cauayan City Water District (CCWD) na walang ipatutupad na dagdag-singil sa konsumo ng tubig sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, District Manager ng CCWD, bagama’t ramdam din nila ang epekto ng pabago-bagong galaw ng presyo ng petrolyo, hindi pa rin sila maaaring basta magtaas ng singil sa tubig. Ipinaliwanag niya na kinakailangan munang dumaan sa masusing proseso at makakuha ng kaukulang abiso mula sa Local Water Utilities Administration bago maipatupad ang anumang pagtaas.

Dagdag pa niya, bagama’t apektado ang kanilang operasyon sa tumataas na gastusin, limitado ang kanilang kakayahan na agad itong ipasa sa mga konsumer.

Kaugnay nito, nanawagan ang pamunuan ng CCWD sa kanilang mga consumer na maging responsable sa pagbabayad ng kanilang buwanang obligasyon at tiyaking makapagbayad sa itinakdang deadline upang maiwasan ang anumang aberya sa serbisyo.

--Ads--

Sa ngayon, nananatiling walang dagdag-singil ang konsumo ng tubig sa lungsod habang patuloy na mino-monitor ng ahensya ang sitwasyon sa merkado.