--Ads--

Humiling ng arrest warrant ang South Korean police laban kay Bang Si-hyuk, founder at chairman ng HYBE, kaugnay ng umano’y “fraudulent trading.”

Ang HYBE ay isang kilalang South Korean entertainment company na humahawak sa mga sikat na K-pop artists tulad ng BTS, Tomorrow X Together, ENHYPEN, at NewJeans, at isa sa pinakamalalaking kumpanya sa K-pop industry.

Ayon sa Seoul Metropolitan Police Agency, tapos na ang imbestigasyon at inirerekomenda ang pagsasampa ng kaso laban kay Bang dahil sa umano’y paglabag sa Capital Markets Act, kung saan pinaghihinalaang nakakuha siya ng iligal na kita na umaabot sa 190 bilyong won o humigit-kumulang ₱7.75 bilyon.

Batay sa imbestigasyon, umano’y nilinlang ni Bang ang mga early investors bago ang initial public offering ng HYBE noong 2019 at hinikayat ang mga ito na ibenta ang kanilang shares sa isang private equity fund na may kaugnayan sa kanyang mga associate.

--Ads--

Sa pahayag ng kanyang kampo, sinabi nitong nakipagtulungan si Bang sa imbestigasyon at haharap sa mga susunod na legal na proseso upang linawin ang mga paratang, habang nananatili siyang nasa ilalim ng travel ban mula pa noong 2025.