Nailigtas ng mga awtoridad ang isang 22-anyos na lalaki matapos nitong tangkaing tumalon mula sa Ganano Bridge sa Brgy. San Antonio, Alicia noong gabi ng Abril 20.
Batay sa ulat, isang concerned citizen ang tumawag sa PNP hotline upang humingi ng agarang tulong, na agad namang nirespondehan ng Alicia Police Station sa pangunguna ni PMaj. Felix Mendoza. Pagdating sa lugar, nadatnan ng mga pulis ang lalaki na nagbabantang tumalon mula sa tulay.
Agad na nagsagawa ng rescue operation ang mga kapulisan katuwang ang Bureau of Fire Protection at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council. Sa pamumuno ni PLT Elizalde Fajardo, mahinahong nilapitan at kinausap ng mga pulis ang lalaki hanggang sa tuluyang mapakalma ito.
Sa pamamagitan ng maayos na pakikipag-usap at maagap na aksyon, matagumpay na napigilan ang insidente at nailigtas ang buhay ng binata na itinago sa “alias Alvin,” residente ng naturang bayan.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang kalagayan nito upang matiyak ang kanyang kaligtasan at kalusugan.











