--Ads--

Pinaigting ng mga awtoridad ng Department of Public Order and Safety o DPOS ang pagpapatupad ng road safety rules at mga lokal na ordinansa sa lahat ng kalsada sa Santiago City, kasabay ng patuloy na kampanya kontra paninigarilyo at pagva-vape sa mga pampublikong lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, sinabi nito na mahalaga ang mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin sa kalsada tulad ng pagsusuot ng helmet at seatbelt upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at pasahero.

Saklaw nito ang mga national highways, city roads, at maging ang mga barangay roads.

Bukod dito, muling pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo at paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar bilang bahagi ng pagpapanatili ng kalinisan, kaayusan, at kalusugan sa lungsod.

--Ads--

Ayon kay Cabanos, layunin ng mga hakbang na ito na palakasin ang disiplina ng mamamayan at maiwasan ang mga aksidente at iba pang panganib sa komunidad.