--Ads--

Isang tangkang pagpupuslit ng hinihinalang ilegal na droga sa loob mismo ng pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang matagumpay na nabigo matapos maaresto ang isang tricycle driver sa Entrance Checking Area ng BJMP sa Brgy. Osmeña, City of Ilagan, Isabela hapon nitong Abril 24, 2026.


Kinilala ang suspek na si alyas Rico, residente ng Brgy. Bagumbayan, City of Ilagan, Isabela. Siya ay nahaharap sa kasong paglabag sa Seksyon 5, Artickle II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng tangkang delivery o pagpuslit ng ilegal na droga.


Batay sa ulat, nagtungo ang suspek sa nasabing pasilidad upang maghatid umano ng gulay (Chinese cabbage ) na nakalagay sa isang puting sando bag para sa isang inmate.

Alinsunod sa umiiral na mahigpit na security protocol ng BJMP, ipinaalam ng isang tauhan ng nasabing piitan sa suspek na sasailalim sa inspeksyon ang kanyang dalang gamit sa kanyang presensya. Sa isinagawang masusing pagsusuri, nadiskubre ang white crystaline substance na hinihinalang shabu na maingat na itinago sa loob ng gulay—isang malinaw na indikasyon ng tangkang pagpuslit.

--Ads--


Agad na humingi ng tulong ang tauhan ng piitan at nakipag-ugnayan sa Ilagan City Component Police Station (CCPS) para sa agarang responde. Kaagad namang inaresto ang suspek at isinailalim sa karampatang proseso.


Sa isinagawang masusing paghahalughog, nakumpiska ang mga sumusunod na ebidensya: isang (1) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu; isang (1) heat-sealed transparent plastic sachet na nahahati sa tatlong seksyon na may laman ding hinihinalang shabu; at isang (1) Rusi 175 motorcycle na kulay asul/itim na na may sidecar.


Ang lahat ng nakuhang ebidensya ay maayos na minarkahan, kinuhanan ng litrato, at inimbentaryo sa mismong lugar ng insidente sa presensya ng suspek.