Sinabi ni Acting Executive Secretary Ralph Recto na walang kakaiba sa pagbibigay ng travel authority isang araw bago ang aktuwal na pagbiyahe ng isang opisyal ng gobyerno.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na huling oras na umano naaprubahan ang kanyang travel request. Ayon kay VP Sara, dahil sa naging sitwasyon ay nagbago na siya ng travel plans at magpapadala na lamang ng panibagong request sa Office of the President.
Giit ni Recto, normal na sa ilang pagkakataon na naisasapubliko o naipapalabas ang travel authority isang araw bago ang biyahe dahil sa dami ng mga dokumentong inaasikaso ng pamahalaan.
Nauna rito, pinayagan ng Malakanyang si VP Sara na bumiyahe sa ibang bansa mula Abril 23 hanggang Mayo 16, 2026. Batay sa travel authority na pirmado ni Recto noong Abril 22, 2026, pinahihintulutan siyang bumisita sa Netherlands, South Korea, Belgium, Germany, at United Kingdom habang naka-leave of absence at walang gastos sa gobyerno.
Dahil sa usapin ng umano’y pagkaantala sa paglalabas ng travel authority, sinabi ni VP Sara na hindi na matutuloy ang naunang travel request at nagbago na lamang ng plano.
Mariing itinanggi naman ng Malakanyang na huling oras o last minute ang naging pag-apruba sa naturang travel authority.











