--Ads--

Patuloy na nararanasan sa bansa ang epekto ng energy emergency, kung saan tumataas ang singil sa kuryente sa mga kabahayan habang nananatiling mataas ang presyo ng langis at konsumo sa enerhiya.

Ayon sa National Power Corporation, nakararanas ng kakulangan sa fuel budget ang mga island electric generators dahil sa mataas na demand sa kuryente at pagtaas ng presyo ng gasolina. Tinatayang nasa 5 hanggang 6 porsyento ang itinaas ng fuel consumption ng mga power facility sa mga isla.

Samantala, kinumpirma ng Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) na nagpapatupad ito ng rotational power interruptions bilang tugon sa mataas na demand tuwing tag-init at sa patuloy na paglipat mula sa emergency power patungo sa regular power supply contract.

Ayon sa ORMECO, inaasahan ang patuloy na pagkaputol-putol ng suplay ng kuryente habang isinasagawa ang transisyon, lalo na sa panahon ng mataas na konsumo at limitadong ambag ng renewable energy tulad ng hydropower at wind power.

--Ads--

Bilang tugon sa sitwasyon, inilunsad ng Department of Energy ang “ONE Hour” energy efficiency campaign kung saan hinihikayat ang publiko na patayin ang mga hindi kailangang ilaw at appliances tuwing Sabado mula 8:00 hanggang 9:00 ng gabi upang makatipid sa konsumo ng kuryente.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga ahensya ng pamahalaan sa mga power provider upang tugunan ang epekto ng mataas na demand at presyo ng enerhiya sa bansa.