Binabalangkas na ng Senate Blue Ribbon Committee ang ilalabas na Chairman’s Progress Report kaugnay sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Ayon kay Sen. Ping Lacson, chair ng komite, hindi na niya maihahain bilang partial committee report ang naunang ulat dahil kulang ang pirma ng mga miyembro.
Dahil dito, gumagawa na lamang ngayon ang komite ng Chairman’s Progress Report upang maituloy ang pagtalakay sa isyu ng katiwalian.
Nilalaman nito ang mga natuklasan sa imbestigasyon, mga nakalap na ebidensya, at mga visual aid para mas malinaw sa publiko ang mga detalye ng kaso. Maaari rin itong isumite sa Office of the Ombudsman para sa hiwalay na imbestigasyon.
Sinabi rin ni Lacson na bukas siya sa posibilidad na makakuha pa ng karagdagang pirma mula sa mga senador upang maakyat ang isyu sa plenaryo para sa mas pormal na pagtalakay.











