--Ads--

Kinumpirma ng Malacañang na nasa France na ang puganteng at dating mambabatas na si Zaldy Co at kasalukuyang humihingi ng asylum, batay sa impormasyong natanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakatanggap ang DFA ng “highly reliable information” na nagsumite si Co ng asylum petition at ngayon ay nasa ilalim na ng hurisdiksiyon ng mga awtoridad ng France.

Ang progress na ito ay nangyari ilang oras matapos ipahayag ni Justice Secretary Fredderick Vida mula Prague na wala na si Co sa kustodiya ng Czech authorities.


Sinabi ni Castro na inatasan na ang lahat ng Philippine missions sa Europa na beripikahin ang aktwal na kalagayan ni Co. Dagdag pa niya, nakatakdang makipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa French ambassador sa Maynila at sa charge d’affaires ng Czech Republic upang talakayin ang mga posibleng hakbang para sa pagbabalik ni Co.

--Ads--

Ibinunyag din ni Vida na may tatlong pasaporte si Co, ngunit ang kanyang Philippine passport ay binawi noong Disyembre 2025.


Ayon kay international law expert Evecar Cruz-Ferrer, nakasalalay sa mga umiiral na kasunduang legal kung maibabalik ng Pilipinas si Co.

Dagdag pa niya, ang asylum claim ay maaaring magpalala ng sitwasyon, lalo na kung ito ay saklaw ng prinsipyo ng non-refoulment, na nag-uutos sa isang estado na huwag ibalik ang isang taong humihingi ng proteksyon.

Si Co ay naging pugante mula pa noong kalagitnaan ng 2025, bago pa man tumindi ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects. Noong Nobyembre 2025, naglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan laban sa kanya kaugnay ng ₱289.5-milyong road dike project sa Oriental Mindoro.